Ano ang employment scam?
Tinatarget ng employment scams ang mga taong naghahanap ng trabaho, at hindi liban dito ang mga migrant domestic workers (MDW).
Mga halimbawa ng karaniwang employment scams ay kinabibilangan ng:
- “Fake Job Offers”: ang mga scam na ito ay nag-aalok ng ‘pekeng trabaho’ na hindi totoo. Karaniwang sinusubukan ng scammer na kumbinsihin ang biktima na ang trabaho ay nasa isang magandang kumpanya.
- “Advance Fee Scams”: ang uri ng scam na ito ay karaniwang sumusunod sa isang pekeng job offer scam. Sasabihin ng scammer sa biktima na magbayad ng ‘advance fee’ o ilang uri ng ‘administrative fee’ bago maibigay ang job offer.
- “Work from Home Scam”: ang uri ng scam na ito ay nag-aalok ng flexible na ‘work from home’ job na may napakataas na sahod at kaunti ang requirements (hal. kailangan lang magtrabaho ng 2 oras kada araw).
- “Overseas Job Scams”: sinusubukan ng scammer na kumbinsihin ang biktima na mag-sign up para sa isang pekeng trabaho sa ibang bansa na may pangakong makakakuha ng visa o permanent residence sa ibang bansa. Ang mga scam na ito ay mapanganib dahil mataas ang pagkakataong maging biktima ng trafficking.

Sa Malaysia, walang krimen para sa ‘scamming’, ngunit may mga ibang batas na maaaring gamitin laban sa scammer. Ang Seksyon 415 ng Penal Code ay ginagawang krimen ang ‘cheating’ o pandaraya. Ang pandaraya ay nangangahulugang manlinlang, manloko o mapanlinlang na kumbinsihin ang ibang tao na ibigay ang kanilang ari-arian sa ibang tao o itago ang ari-arian na hindi pagmamay-ari ng scammer. Kung may napatunayang nagkasala ng panloloko, maaari silang makulong ng maximum na 5 taon o magbayad ng multa (o pareho).
Ang Seksyon 420 ng Penal Code ay ginagawang krimen din ang manloko ng isang tao at ipagkaloob sa ibang tao ang ari-arian ng biktima o sirain ang isang mahalagang bagay. Kung may napatunayang nagkasala sa krimeng ito, maaari silang makulong ng maximum na 10 taon, maparusang ng whipping (pagpalo) o magbayad ng multa.
Ano ang maaari kong gawin kung ako ay na-scam?
Ang scamming ay hindi krimen sa Malaysia, ngunit posible ring magsampa ng civil case laban sa scammer. Kung ikaw ay pumirma sa isang scam na employment contract, maaaring posible na pumunta sa korte upang kanselahin ang kontrata. Mas mainam na kumuha ng legal na tulong mula sa isang legal advisor o NGO muna upang maunawaan kung gaano kalakas ang iyong kaso.
Bukod pa rito, kung ikaw ay pumasok sa isang kasunduan o kontrata sa isang scammer kung saan kailangan mong magbayad ng pera sa scammer, maaari mong kanselahin ang kasunduan sa ilalim ng Seksyon 14 ng Contracts Act 1950. Kung kanselahin ng korte ang kasunduan, kailangang ibalik ng scammer ang pera sa biktima. Gayunpaman, mahalagang maunawaan na kadalasan, nawawala na ang mga scammer kasama ang pera, kaya mahirap silang hanapin at dalhin sa korte.
Mga makatutulong na payo:
- Tumawag sa pulis (999) kung ikaw ay nasa agarang panganib.
- Kung ikaw ay naging biktima ng scam, gumawa ng report at isumite sa pulis.
- Makipag-ugnayan sa iyong bangko o sa National Scam Response Centre (NSRC) sa 997 kung sa tingin mo ikaw ay na-scam.
- Kung may makita kang trabaho at hindi ka sigurado, magtanong muna sa isang mapagkakatiwalaang tao bago tanggapin ito.
- Kung nalaman mo na ang trabaho ay isang scam, huwag nang makipag-usap sa scammer o makipag-ugnayan sa kanila kapag nalaman mong scam ito. Mas mabuting itigil ang pakikipag-usap at i-block o i-report ang numero ng telepono.
- Huwag sumang-ayon sa bagong trabaho o lumipat sa ibang bansa basta-basta. Dobleng suriin ang trabaho at ang kumpanya bago magdesisyon.
- Ikonsidera ang civil claim. Maaaring makakuha ka ng compensation mula sa scammer sa pamamagitan ng pagsampa ng civil case, ngunit mas mainam na kumuha muna ng legal na tulong mula sa isang legal advisor o NGO.