Ang overcharging ay tumutukoy sa anumang sinisingil na mga bayarin na lumalampas sa mga itinakda ng laws at regulations. Sa konteksto ng mga migrant domestic workers (MDW), ang overcharging ay nangangahulugang ang anumang sobrang bayarin na sinisingil ng isang employment agency, ito man ay sa bansa ng pinagmulan o bansa ng destinasyon ng MDW.
Sa ilalim ng Employment Ordinance at ng Employment Agency Regulations sa Hong Kong, maaari lamang singilin ng isang agency ng 10% ang unang buwan na sahod ng MDW. Ang ahensya ay maaaring maningil lamang kapag nagsimula na ang MDW sa pagtatrabaho sa tahanan ng employer.
May ilang mga employment agencies sa Hong Kong na nakikipagsabwatan sa mga overseas recruitment agency upang mag-overcharge sa mga MDW na papunta sa Hong Kong. May mga pagkakataon na nag-iimbento ng mga bayarin tulad ng “processing,” “translation,” o “lodging” costs upang makakuha ng mas malaking halaga mula sa MDW.
Sa ilang kaso, pinipilit ng employment agency ang MDW na mangutang. Labag sa batas na mag-proseso ng anumang utang ang employment agency para sa MDW at mangolekta ng pera mula sa MDW upang bayaran ang utang. Dapat malaman ng mga MDW na hindi pinapayagan ng batas na bawasan ng mga employer ang kanilang sahod upang bayaran ang agency fees o utang. Kung sinubukan ng employer o ahensya na gawin ito, maaaring ireport ito ng MDW sa ahensya at employer sa Labour Department.

Photo by Karolina Grabowska
Pag Overcharge ng Employment Agency na nasa Pilipinas
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, hindi pinapayagan ang anumang Philippine employment agencies na maningil sa MDW ng placement fees.
Maaaring subukan ng ilang ahensya na makakuha ng malaking pera mula sa MDW sa pamamagitan ng paniningil ng matataas na bayad sa mga Technical Education Skills Development Authority (‘TESDA’) trainings, medical fees, at lodging fees o bahay na tinutuluyan. Mag-ingat bago magbayad ng alinman sa mga bayarin na ito. Kung mayroon kang mga alalahanin, makipag-ugnayan sa isang legal na tagapayo o NGO tungkol sa mga bayarin.
Mga makatutulong na payo
- Huwag magbayad ng pera sa isang ahensya o tao kung hindi mo alam kung para saan ang bayad o kung tama ba na singilin ka ng ganoon kalaking halaga. Maaring kailanganin mong paalalahanan ang iyong employer o agency na maaari lamang silang maningil ng 10% ng iyong unang buwanang sahod.
- Kung ang iyong ahensya ay nakabase sa Hong Kong at sila ay nag-oovercharge sa iyo, maaari kang humingi ng tulong mula sa NGO o legal advisor para ireport ang ahensya sa Labour Department.
- Ikonsidera ang paghahain ng reklamo sa Employment Agencies Administration.